Sunday, April 04, 2010

PAGKAWALAY

Salin mula kay Jorge Luis Borges

Tatlong daang gabing tulad ng tatlong daang pader
ang babangon sa gitna ng mahal ko't ako
at ang dagat ay magiging maitim na salamangka sa pagitan namin.

Pupunitin ng matigas na kamay ng panahon
ang mga kalyeng nagkandabuhol sa aking dibdib.
Walang malalabi kundi mga alaala.
(Ay, mga hapong inipon sa pagdurusa,
mga gabing umaasa para sa iyong pagpapakita,
dalita ng loteng bakante, dukhang langit
na pinahiya sa kaibuturan ng mga sanaw,
tulad ng napariwarang anghel...
at ang iyong buhay na nagbigay-diwa sa aking pagnanasa
at ang giba-giba ngunit magaang na kalyeng
kumikinang ngayon sa ningning nga ating pag-ibig.

Singtakda ng isang istatwa,
palulungkutin ng iyong pagkawalay ang iba pang lupa.