Saturday, June 05, 2010

KAY DAMING MGA PANGALAN

salin mula kay Pablo Neruda

Tumatagni ang mga Lunes sa mga Martes
at ang linggo sa buong taon.
Hindi mapuputol ang panahon
ng iyong naghihingalong gunting,
at ang lahat ng mga pangalan nitong araw
ay aanurin sa agos ng gabi.

Walang sinumang makaaangkin sa pangalang Pedro,
wala ni isang Rosa o Maria,
lahat tayo ay alikabok at buhangin,
lahat tayo ay ulan sa ilalim ng ulan.
Nabanggit nila sa akin ang tungkol sa mga Venezuela,
tungkol sa mga Chile at Paraguay;
wala ako ni isang hinagap sa kanilang mga sinasabi.
Ang tanging alam ko ay ang balat ng lupa,
at alam kong wala itong pangalan.

Nang nabuhay ako sa piling ng mga ugat
mas pinaligaya nila ako kaysa sa mga bulaklak,
at nang kumausap ako ng bato
kumililing ito na parang kampanilya.

Napakahaba nitong tagsibol
na umuusad sa kahabaan ng taglamig.
Nawala ng panahon ang kanyang sapatos.
Ang isang taon ay apat na siglo.

Kapag natutulog ako tuwing gabi,
ano ang sa aki'y tinatawag o di tinatawag?
At sa aking pag-gising, sino ako
kung hindi ako ako sa aking paghimbing?

Ibig lang nito sabihin na hindi pa man
tayo lumalapag sa buhay
ay dumarating na tayo na parang bagong silang;
huwag nating punuin ang ating mga dila
ng napakaraming bantulot na pangalan,
ng napakaraming malulungkot na pormalidad,
ng napakaraming nagbibidahang sulat,
ng napakaraming iyo at akin,
ng napakaraming pirmahan ng papeles.

Mayroon akong isip upang baligtarin ang mga bagay,
pag-isahin sila, ipanganak sila,
paghaluin sila, hubaran sila,
hanggang ang liwanag ng mundo
ay may kabuuan ng dagat,
isang bukal at malawak na kabuuan,
isang gumagapang na halimuyak.

No comments: