Sunday, July 26, 2020

BALON Salin mula sa tula ni Pablo Neruda


Kung minsa’y lumulubog ka, nalalaglag
sa iyong hukay ng katahimikan,
sa kailaliman ng iyong nagmamatigas na poot,
at halos hindi ka
makabalik, bitbit pa rin ang labi
ng anumang natagpuan
sa kaibuturan ng iyong buhay.

Mahal ko, ano ang nahahagilap mo
sa iyong balong sarado?
Damong-dagat, lati, bato?
Ano ang natatanaw ng bulag mong mata,
puno ng pait at sugatan?

Sinta, hindi mo mahahanap
sa balong iyong kinahulugan
ang itinabi ko para sa iyo sa karurukan:
isang bungkos ng nahamugang hasmin,
isang halik na mas malalim pa sa iyong kinalulugmukan.

Huwag akong katakutan, huwag mahulog
sa iyong galit na pabalik-balik.
Pagpagin ang salita na humiwa sa iyo
at hayaan itong lumipad mula sa bintanang bukas.
Babalik ito upang sugatan ako
kahit hindi mo gabayan,
dahil nakargahan ito ng malupit na sandali,
at ang sandaling iyon ay puputok sa aking dibdib.

Ngitian ako ng buong ningning
kung nasugatan ka ng aking bibig.
Hindi ako maamong pastol
tulad ng mga nasa sinalumang kuwento,
kundi isang mabuting taga-gubat na magbabahagi sa iyo
ng lupa, hangin, at mga tinik ng bundok.

Mahalin mo ako, ngitian mo ako,
tulungan mo akong magpakabuti.
Huwag magpakasugat nang dahil sa akin, dahil wala itong silbi,
huwag mo akong sugatan, dahil sarili mo ang iyong sinusugatan.

No comments: