Salin ng tula ni Philip Larkin (1922-1985)
Ang pagtatalik ay nagsimula
Taong sanlibo’t siyam na raan animnapu’t tatlo
(Medyo napag-iwanan na ako)
Sa panahong ang pagbawal sa “Chatterley” ay patapos na,
At unang album ng Beatles ang nauuso.
Hanggang noon, ito lang ang naatim:
Hirit-tawaran kumbaga,
Singsing na pilit makuha,
Kahihiyang nagmula sa edad labing-anim
At sa lahat ay nakahawa.
Walang anu-ano, pagtatalo’y lumubog na:
Pawa tayong iisa ang naramdaman,
Bawat buhay iisa ang dinaraanan,
Henyong pagbasag ng alkansiya,
Walang katalu-talong paligsahan.
Kaya’t buhay ay di na bubuti pa sa
Taong sanlibo’t siyam na raan animnapu’t tatlo
(Kahit talagang napag-iwanan na ako)
Sa panahong ang pagbawal sa “Chatterley” ay patapos na,
At unang album ng Beatles ang nauuso.
No comments:
Post a Comment